Haring Bayan: Ang Konseptong Pilipino ng Demokrasya

by Asst. Prof. Xiao Chua

Nang magsalita ang Pangulong Cory Aquino sa Kongreso ng Estados Unidos, ikinuwento niya ang kanyang pagkandidato noong snap presidential elections noong Pebrero 1986, na nagbunsod sa Himagsikan ng Kapangyarihang Bayan (People Power) na nagpatalsik sa diktadura ni Pangulong Ferdinand Marcos:

“Wherever I went in the campaign, slum area or impoverished village. They came to me with one cry, DEMOCRACY. Not food although they clearly needed it but DEMOCRACY. Not work, although they surely wanted it but DEMOCRACY. Not money, for they gave what little they had to my campaign. They didn’t expect me to work a miracle that would instantly put food into their mouths, clothes on their back, education in their children and give them work that will put dignity in their lives. But I feel the pressing obligation to respond quickly as the leader of the people so deserving of all these things.”

Ngayong nalalapit na naman ang halalan, napag-uusapan muli ang demokrasya.  Ngunit ano nga ba ang demokrasya para sa Pinoy?

Ang Global Barometer Project ay isang proyekto na naglalayong masaliksik ang mga depinisyon ng mga karaniwang tao sa konsepto ng “democracy” sa iba’t ibang panig ng mundo.  Noong 2002, tinanong nila, sa pamamagitan ni Frederic Charles Schaffer, ang 139 na mga taga-Barangay Commonwealth sa Lungsod Quezon, karamihan sa kanila ay mga maralita, kung ano para sa kanila ang kahulugan ng “demokrasya”.  76 % sa kanila ay sumagot ng mga salitang maaaring magpakita ng mga inaasahang mga kasagutan na may kinalaman sa kalayaan o mga kalayaang sibil, at 81 % ng grupong ito ang gumamit ng salitang “kalayaan” at “malaya”—“may kalayaan na gumawa/kumilos ng lahat ng gusto mo” at “kalayaan makapagpahayag ng sariling pananaw/sariling opinyon.”

Subalit, nang laliman pa ang mga usapan, makikita na may tila iba pang pakahulugan sa kanila ang demokrasya at kalayaan.  Isang manininda ng isda ang tinanong kung may demokrasya ba noong panahon ni Pangulong Marcos, ang sagot niya ay oo, sapagkat ang mga presyo raw ng bilihin ay hindi kasintaas sa ngayon.

Isa pang manininda ang tinanong kung may demokrasya ba sa Pilipinas ngayon, ang sagot niya ay oo kahit papaano, dahil sa tuwing may problema sa kanyang tinitirhan, halimbawa sa kanilang banyo, nakakapgreklamo sila at aaksyunan ng pamahalaan ang kanyang karaingan.  Nang tanungin siya kung may demokrasya ba noong panahon ng Pangulong Marcos, sabi niya mayroon, dahil ang tatay niya noon ay nabibiyayaan ng puhunan para sa pangingisda ng DBP (Development Bank of the Pihilippines).  At kahit na raw hindi nakumpleto ang kanilang bayad, hindi raw sila hinabol ng bangko.  Iyon para sa kaniya ang demokrasya.

Isang bodegero ang tinanong kung bakit sa tingin niya may demokrasya sa Pilipinas, ang sagot nito ay oo dahil nabibigyan ang tao ng kalayaan na magpahayag ng kanilang opinyon.  Ngunit nang muling tanungin, kung hindi tugunan ng gobyerno ang kanilang hinaing demokrasya pa ba ito.  Sabi niya hindi na, sapagkat obligasyon at pangako ng pamahalaan na tugunan ang hinaing ng mamamayan.

Isang maybahay ang tinanong kung ano ang kahulugan ng kalayaan, sagot nito: kapayapaan at katahimikan.  Isang gasoline boy din ang sumagot at nagsabi na ang demokrasya ay “freedom of speech” ngunit sa bandang huli, sinabi niya na ang katumbas sa Tagalog ng Kastilang “democracia” ay kalayaan at ang kahulugan nito ay “katahimikan,” kung ang lahat ay may “peace of mind.”

Hindi ba’t ang orihinal na dalumat o konsepto ng demokrasya ay nagmula sa Griyegong δημοκρατία (dēmokratía), DEMOS na ang kahulugan ay ang mamamayan o ang bayan at ang KRATIA na ang ibig sabihin naman ay pamumuno/paghahari o kapangyarihan.  Sa Kanluran, madalas maikabit ang demokrasya sa pamahalaang may mga kinatawan ang mamamayan, karapatang bumoto, kalayaang pulitikal at kalayaang sibil tulad ng kalayaan sa pamamahayag. 

Sa ganitong siste, ang mga nasyon ay nabubuo sa tuwing bumubuo ng mga dokumento ng kasarinlan at saligang batas ang mga ito na nagtataglay ng mga karapatan ng mga “citizens” na itinutumbas natin sa mamamayan.  Maaari pang sabihin na mayroon dapat itong estado, mamamayan at teritoryo.  Sinasabing natutunan natin ito mula sa mga Europeo nang pumasok ang mga liberal na ideya ng republikanismo na nagpakilos kina Padre Burgos, Rizal at del Pilar.  Mas maraming nagsabing pamana ito sa atin ng mga Amerikano nang dalhin nila ang kanilang sistema ng representanteng pamahalaan dito sa Pilipinas na nuknukan naman sa dami ng elit.

Pero mababang presyo ng bilihin?  Puhunan para sa hanapbuhay?  Pagbigay tugon ng pamahalaan sa hinaing ng mga tao?  Katahimikan?  Tila naloloka ang mga Pilipino.  Hindi ba sila naturuan ng tama sa eskwelahan kung ano ang demokrasya?  Bobo ba ang mga Pinoy?

Sa aking palagay, ang pagdalumat ng Pinoy sa demokrasya na may kinalaman sa ginhawa at katahimikan ay maiuugat sa ating kasaysayan.

Sa maraming pagkakataon, naipunla sa isip ng mga Pilipino na ang samahang mapanghimagsik na Katipunan ay kinabibilangan ng mga bobong masa na sugod ng sugod at walang ibang alam gawin kundi maging bayolente, at ang tagapagtatag at ikatlong supremo nito na si Andres Bonifacio ay isang bobong bodegero na walang konsepto ng pagtatag ng nasyon.  Ngunit kung tutuusin, henyo si Bonifacio at maaga niyang naisip na kung nais niyang samahan siya ng bayan, kailangan niyang gamitin ang mga dalumat at ang wika ng bayan.

Sa kanyang pagbubuo ng kanyang konsepto ng bansa, kumuha si Bonifacio ng mga dalumat na naiintindihan ng mga Pilipino noon, at maging mga dalumat ng sinaunang bayan bago dumating ang mga Espanyol upang mas maging epektibo ang kanyang messaging.  Humingi siya ng tulong sa kanyang wala pang 20 taong gulang na kabig, ang mahirap ngunit edukadong si Emilio Jacinto at gumawa sila ng mga batayang dokumento at aral para sa Katipunan na magsisilbing kaluluwa nito.

Isa sa mga isinulat ni Jacinto ay ang praymer ng Katipunan, na mas kilala ngayon sa tawag na Kartilya, kung saan ayon sa mga iskolar at historyador na tulad nina Dr. Milagros Guerrero, makikita natin ang malinaw na depinisyon ng malayang Pilipinas na kanilang pinangarap, sa panahon na ang mangarap nang gayon ay haharap ng kamatayan:

“Ang kabagayang pinag-uusig ng katipunang ito ay lubos na dakila at mahalaga; papagisahin ang loob at kaisipan ng lahat ng tagalog (*) sa pamagitan ng isang mahigpit na panunumpa, upang sa pagkakaisang ito’y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landas ng Katuiran at Kaliwanagan.”

Isang nagkakaisang Katagalugan na lumalakad sa daang matuwid at daang maliwanag.  Hindi lamang ito pulitikal na kalayaan kundi tumutukoy sa matuwid na kaluluwa at mabuting kalooban ng isang nagkakaisa at nagtutulungan na mamamayan (isang loob at kaisipan).  Ngunit sandali, hindi kaya magalit ang mga Bisaya at iba pa?  Bakit Tagalog lamang ang tinukoy ni Jacinto. Kung papansining mabuti, may asterisk ang salitang Tagalog, nag-footnote pala ang lolo mo:

(*)Sa salitang tagalog katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito; samakatuwid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.

Tagalog para sa kanila ay taga-ilog, pagtukoy na tayong mga Pilipino ay may kultura sa paglalayag at ang halaga ng mga ilog at dagat noon sa ating lumang kabihasnan.

Makikita na kinilala nina Jacinto at Bonifacio ang pagkakaroon ng maraming bayan, ngunit nagkakaisa ang loob at isip ng mga ito.  Maraming bayan ngunit iisa ang ating “Inang Bayan.”  Ang mga Katipunero ay tinawag na Anak ng Bayan dahil tayo ay magkakapatid sa Inang Bayan. 

Upang igiit ito, ibinalik ang sinaunang ritwal ng pagsasandugo ng mga kasapi tulad ng pagbubuo ng mga datu sa mga bayan bago ang kolonyalismo batay sa kapatiran.  Kaya hindi lamang “citizens” sa Kanluraning konsepto ang mga mamamayan, kundi ang turingan nila ay magkakapatid.  Sa ikalawang pahina ng orihinal na limbag na Kartilya mababasa na, “Dito’y isa sa mga kauna-unahang utos ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubos na pagdadamayan ng isa’t isa.” Hindi pagiging bayolente at pagpatay ang pangunahing turo ng Katipunan kundi pag-iibigan sa bawat isa. Sa isang artikulo sa pahayagan ng Katipunan, ang “Kalayaan,” isinatitik ni Jacinto ang tunay na diwa ng kalayaan:

Ako ay ang Simula ng mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan.  …nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilumutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat.

Kung gayon, walang kalayaan kung maghahari naman ang masamang kalooban, kung hindi mag-iibigan.  Doon papasok ang pakahulugan sa kalayaan bilang “peace of mind” or katahimikan.  Hindi mo malalasap ang kalayaan kung walang kapayapaan.

Litaw rin sa mga sulatin ng Katipunan, halimbawa sa “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa,” ang malapit na kaugnayan ng kalayaan sa kaginhawaan, tulad ng ipinakita sa pag-aaral ni Dr. Teresita Gimenez Maceda.  Kung walang ginhawa, walang tunay na kalayaan.  Sa Sikolohiyang Pilipino, tiningnan ng mga pag-aaral ni Dr. Zeus Salazar ang iba’t ibang diskyunaryo at pakahulugan ng iba’t ibang mga bayan sa salitang “ginhawa” at ito ang makikita:  “gaan sa buhay,” “aliwan sa buhay,” “paggaling sa sakit,” “kaibsan sa hirap,” “aliw,’ o “mabuting pamumuhay.”  Sa Hiligaynon, kaugnay ito ng “pagkain” at “ganang kumain.”  Tama nga naman, may karapatan ka ngang bumoto o may kalayaan kang sibil ngunit hindi ka naman nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, hindi ka pa rin tunay na malaya.

Sa mga pag-aaral din ni Dr. Salazar, makikita na sa Sikolohiyang Pilipino, ang batis o pinagmumulan ng kaginhawaan ay ang kaluluwa.

Hindi man sabihin ng tuwiran ng mga dokumento ngunit nang aking pag-ugnay-ugnayin ang mga pag-aaral na ito, makikita ang lohika ng konseptong Pilipino ng tunay na kalayaan:  Walang tunay na kalayaan kung walang kaginhawaan, at walang kaginhawaan kung walang matuwid na kaluluwa at malinis na kalooban sa mga magkakapatid. Samakatuwid, ang kalayaan ay hindi lamang isang nakasulat na mga karapatan sa isang konstitusyon, kundi isang estado ng buhay na may “kaginhawaan” ang mga tao at may kabutihang loob na nagnanais ng kabutihan ng kanyang kapatid.  Nang tanungin ni Schaffer ang isang tricycle driver at ang isang gasoline boy, kung ano ang kalayaan, kapwa binanggit na may kinalaman ito sa pagsasabi ng saloobin at hinaing ngunit dapat may magandang intensyon.  Hindi basta-basta gagamitin ang kalayaan upang manira at saktan ang iba.

Kaya ang maituturing na saligang batas noon ng Katipunan ayon kay Dr. Guerrero ay ang nabanggit na Kartilya ni Jacinto na batay sa mga sinaunang katutubong kasabihang bayan.  Ngunit dahil ang Kartilya ay hindi isang saligang batas na kinopya sa mga Kanluraning konstitusyon, hindi kinilala ng elit ang pamahalaang mapanghimagsik ni Andres Bonifacio.  Siya ay iniligpit at pinatay at ang kanyang konsepto ng bansa ay tila namatay kasama niya.  Ngayon ang nakikita natin sa tuwing halalan ay ang pag-aagawan ng kapangyarihan sa pagnanais na magpayaman at maghari-harian sa bayan kaysa sa bigyan ng ginhawa ang bayan.  Kahit may demokrasyang kanluranin, walang ginhawa.

Sayang, dahil kung titingnan ang letterhead ni Andres Bonifacio bilang unang pangulo ng pambansang pamahalaang rebolusyunaryo, nakasaad dito na ang tawag niya sa sarili ay Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan.  Taliwas sa paratang ng ibang historyador na ang Haring Bayan ay tumutukoy sa pagkahari ni Bonifacio, malinaw na pangulo lamang siya ng pamahalaan kung saan ang Hari ay ang Bayan—sovereignty of the bayan!  Power to the people![1]  Hindi nakapagtataka na tayo ang nag-imbento ng People Power noong 1986 na ginagaya ngayon ng buong mundo—ang mapayapang pagkilos para sa pagbabago ng pamahalaan.

Hindi ba’t ito rin ang diwa ng demokrasya bilang paghahari ng interes at kalooban ng bayan?

Kung gayon, hindi nakapagtataka na ikinokonekta ng maraming mga Pilipino ang demokrasya sa kalayaan, at ang kalayaan sa ginhawa at katahimikan o hindi paggawa ng masama sa isa’t isa dahil ito ang kalooban o kagutuhan ng bayan.  Natatamasa sana ang mga ito kung nasusunod ang paghahari ng bayan.  Hindi ito nagpapakita ng kabobohan ng Pinoy kundi ng mas malalim na pagkakaugat sa kulturang bayan ng mga ordinaryong mamamayan at sa minsa’y kabobohan nating mga nakapag-aral na maintindihan ito dahil nalalambungan tayo ng ating edukasyong kolonyal.


[1] Kung para kay Dr. Guerrero, ang Haring Bayan ay “sovereignty of the people,” para kay Dr. Salazar, ito rin ay tumutukoy sa konsepto ni Bonifacio ng estado.

Si Michael Charleston “Xiao” Chua ay kasalukuyang Assistant Professor ng Kasaysayan sa Pamantasang De La Salle Maynila na nagtapos ng BA at MA Kasaysayan at kumukuha ng kanyang Ph.D. sa Antropolohiya sa UP Diliman. Nakapaglathala na ng ilang artikulo sa mga dyornal at aklat sa Agham Panlipunan at itinuturing na isa sa pinaka-aktibong komentaristang pangkasaysayan sa radyo at telebisyon sa Pilipinas na may sariling segment sa mga programang pambalitaan ng PTV-4 (Telebisyon ng Bayan), ang Xiao Time: Ako ay Pilipino.