By: Nathaniel Punongbayan Candelaria1
Idaraos sa ika-9 ng Mayo 2022 ang nasyonal at lokal na halalan. Sa panahong ito, pipili ang mga Pilipino ng mga kandidato sa iba’t ibang antas na papalit sa mga kasalukuyang namumuno sa bansa. Kinokonsidera ni Heywood (2019) ang eleksyon bilang puso ng prosesong pulitikal, sa kadahilanan na ang mga tao ang magluluklok ng kanilang kinatawan sa pamamahala sa ganitong paraan. Ngunit hindi lamang ito ang mahalagang gampanin ng halalan sa taumbayan. Binanggit din ni Heywood (2019) na isa sa mahalagang layunin ng halalan ay ang impluwensiyahan ang mga polisiyang balak ipatupad ng pamahalaan.
Mahalagang pag-usapan ang mga isyung panlipunan na lubhang makakaapekto sa mga mamamayan sa darating na eleksyon. Isa sa mga isyu na nais kong bigyang-diin sa sanaysay na ito ay ang isyu ng food security sa Pilipinas, na lalong pinalala ng pandemya dala ng COVID-19. Ang food security ay isa sa mga isyung malapit sa mga Pilipino, batay sa mga survey na inilathala ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia. Masasabi lamang na food-secure ang isang tao kung “sa lahat ng panahon, ay may pisikal at ekonomikong kakayahan na makamit ang sapat, ligtas, at masustansyang pagkain na kung saan ay maaabot ang kanilang mga pangangailangan at kanilang mga kagustuhan para sa aktibo at malusog na pamumuhay” (Food and Agriculture Organization, thereafter FAO 2006). Dinagdag pa ng FAO na may apat na bahagi na dapat isaalang-alang upang masiguro ang food security ng mga mamamayan ng iba’t ibang mga bansa kagaya ng food availability, food accessibility, utilization, and stability.
Para sa sanaysay na ito, nakatuon ang diskusyon sa usapin ng food security at ang mga salik na nakakaapekto rito. Kasama rin sa bahagi ng sanaysay na ito ang kahalagahan ng paksang ito para sa mga Pilipino bilang isa sa mga mahahalagang isyu sa paparating na halalan, at ang mga bagay na dapat pagtuunan ng atensyon ng susunod na administrasyon upang masigurado ang food security ng bawat Pilipino.
Anu-ano ang mga salik na nakakaapekto sa food security?
Maraming mga salik ang nakakaapekto sa food security ng Pilipinas. Isa sa mga ito ay ang climate change. Dahil sa pagbabago ng klima, maraming mga industriya na nakasalalay sa klima kagaya ng agrikultura at pangingisda ang naapektuhan nito (Rasul and Sharma 2016). Bukod sa climate change, mahalagang usapin din ang isyu sa supply ng tubig dahil nagkakaroon ng kompetisyon sa paggamit nito sa iba’t ibang kapaparaanan (Premanandh 2011). Malaking dagok din sa usapin ng food security ang isyu sa paggamit ng lupa sa green energy (Hanjira and Qureshi 2010), at sa paggamit nito bilang residential areas (Teng and Escaler 2014).
Bukod sa mga ito, nakakaapekto rin sa usapin ng food security ang halaga ng agricultural inputs kagaya ng mga binhi, pataba, insecticides, pesticides, at iba pang mga kagamitan sa pagsasaka, na siya namang nagbibigay-alinlangan sa mga magsasaka sa Timog-Silangang Asya na ipagpatuloy ito (Devasahayam 2018). Kaya naman batay sa pag-aaral ni Palis (2020), ang mga magsasaka sa Pilipinas ay patanda na, bilang ang karamihan ng mga magsasaka sa Pilipinas ay nasa limampu (50) hanggang limampu’t siyam (59) na taong gulang na. Nabanggit din sa nasabing pag-aaral na bukod sa edad ng mga magsasaka, ang isa ring dapat bigyang-pansin ang hangarin ng mga magsasaka para sa kanilang mga anak na huwag sundan ang kanilang naging yapak bilang magsasaka nang dahil sa mababang kita na nakukuha nila mula rito.
Ano ang pangkasalukuyang sitwasyon sa usapin ng food security sa Pilipinas?
Bago pa man ang COVID-19 pandemic, mahalagang isyu na ang food security sa taumbayan. Kung titingnan ang resulta ng SWS survey sa huling bahagi ng 2019, 8.8% ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng kagutuman, o katumbas ng 2.1 milyong pamilya (SWS 2020). Bukod pa rito, isa rin sa isyu na nais marinig ng taumbayan sa babanggitin ng pangulo ng Pilipinas sa kanyang talumpati noong 2019 ang mga paksa na may kinalaman sa food security kagaya ng pagpapataas ng sahod, pagbaba ng presyo ng mga bilihin, pagpapaunlad ng agrikultura, pagtataas ng pension, regularisasyon sa trabaho, paglutas sa kahirapan, at iba pang mga bagay (Pulse Asia 2019).
Kung noon pa lamang ay matunog na isyu na ang food security sa taumbayan, lalong tumindi ang usapin dito nang dahil sa COVID-19 pandemic. Dahil sa pandemya, nagkaroon ng problema ang Pilipinas sa supply ng pagkain dahil sa lubha nitong naapektuhan ang food supply chain ng bansa (FAO 2021). Ito ay dulot ng: 1) pagpapatupad ng quarantine ng nasyonal na pamahalaan, 2) paglaganap ng African Swine Fever na naging dahilan ng pagkamatay ng maraming baboy at pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan at 3) kakulangan sa supply ng bigas dahil na rin sa pagkontrol ng ibang bansa sa kanilang supply na siya namang inaangkat ng Pilipinas (Candelaria 2021).
Kaya’t kung titingnan ang pulso ng taumbayan sa isyu ng food security sa panahon ng COVID-19 pandemic, masasabing nanatiling mahalaga sa isang Pilipinong botante ang ganitong usapin. Ayon sa survey ng SWS (2021), 13.6%, o katumbas ng 3.4 na milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom. Sinabi pa ng SWS na kahit na mas mababa ito sa unang naitala na 4.2 milyong pamilyang Pilipino noong Mayo 2021 (16.8%), mas mataas pa rin ang bilang na ito kumpara sa bilang ng mga nagugutom na Pilipino bago pa magsimula ang pandemya na 2.1 milyong pamilyang Pilipino (8.8%). Sa isa namang survey ng Pulse Asia, itinuturing ng mga botante na isa sa pinakamahalagang isyu para sa kanilang mga sarili ang makakain ng tatlong beses sa isang araw. At kung titingnan naman ang mga pananaw para sa mga pambansang isyu, sinabi rin ng Pulse Asia sa nasabing survey na ang pinakamahalagang bagay na dapat tutukan ng pamahalaan ay ang isyu ng pagtaas ng presyo (inflation). Kung babalikan natin ang opisyal na depinisyon ng food security, may kaugnayan ang presyo ng mga bilihin kung magiging food-secure ba ang isang tao o hindi.
Kung susumahin, mahalagang paksa para sa mga botante ang usapin ng food security. Kaya kung titingnan natin ang pulso ng taumbayan, napakahalagang isyu na dapat talakayin ng mga kandidato sa Halalan 2022 ang kanilang adhikain upang maresolba ang food security ng bansa.
Ano ang dapat gawin ng susunod na mga pinuno ng bansa?
Kung pagbabatayan ang mga salik na nakakaapekto sa food security ng Pilipinas, maraming dapat gawin ang mga susunod na mga lider ng bansa upang masolusyunan ito.
Una na rito na kailangang siguraduhin na ang bansa ay kayang mag-adapt sa climate change. Kinokonsidera na pinakamatinding tatamaan ng climate change ang Pilipinas (Amnesty International UK 2021; Lusterio-Rico 2021). Kaya naman dapat bigyang pansin ang isyu ng climate change sapagkat malaki ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa mga kalamidad na dulot nito (Lusterio-Rico 2021). Tinatayang nasa PhP 515.51 billion (US$10.6B) o katumbas ng 0.33% ng GDP ng bansa bawat taon, ang nawala sa Pilipinas sa loob ng taong 2010-2020 nang dahil sa mga kalamidad (Philippine News Agency 2021; Lusterio-Rico 2021). At kung pababayaan lang ito, maaaring mawala ang 6% ng GDP ng bansa kada taon sa pagsapit ng taong 2100 (Climate Change Commission 2018).
Kasabay nito, kailangan ding tutukan ng susunod na administrasyon ang isyu ng paggamit sa lupa. Sa kasalukuyan, ang desisyon hinggil sa paggamit ng lupa ay nakasalalay sa lokal na pamahalaan (Lech and Leppert 2018). Lubhang makakatulong sa Pilipinas kung may polisiya na gagabay sa wastong paglinang ng likas-yaman ng bansa kagaya ng lupa. Hanggang sa ngayon, wala pa ring polisiya ukol sa national land use act ang naipapasa ng Kongreso ng Pilipinas, na kinokonsidera na kailangang gawin upang mapagtibay ang food security ng bansa (Parrocha 2020).
Kasama rin sa dapat tutukan ang pagpapaunlad sa pagsasaka bilang isang hanapbuhay. Gaya ng nabanggit ni Palis (2020), may haharapin na suliranin ang bansa kung sakaling wala nang nagnanais na ipagpatuloy ang pagsasaka sa Pilipinas. Isa sa mga maaaring ikonsidera ng mga kandidato ang crop diversification, kung saan dapat bigyan din ng pansin ang iba pang mga produktong pang-agrikultura bukod sa palay, upang mapalago ang kita ng mga magsasaka (Dy 2020).
Ilan lamang ito sa mga panukala na dapat isaalang-alang ng mga kandidato sa Halalan 2022 upang maresolba ang isyu ng food security sa Pilipinas. Malinaw na napakahalaga ng usaping ito sa mga isinasaalang-alang ng mga botante sa darating na halalan. Kung hindi bibigyan ng mga kandidato nang maayos na atensyon ang nasabing usapin, maraming mga Pilipino ang magugutom sa hinaharap.
Konklusyon
Ang usapin ng food security ay mahalagang pag-usapan sa darating na Halalan 2022. Maraming pamilyang Pilipino ang napabalitang nakaranas ng kagutuman, lalo na sa panahon ng pandemya. Lumitaw dinang isyu ng kagutuman sa mga personal na alalahanin ng mga Pilipino, at ang isyu ng pagtaas ng bilihin bilang isa sa mga pangunahing isyu na dapat tutukan ng pamahalaan.
Kaya naman dapat maging hamon sa mga kandidato sa Halalan 2022 ang paglutas sa kakulangan ng food security sa Pilipinas. Maraming Pilipino ang magugutom sa hinaharap kapag hindi nila ito matugunan. At para naman sa mga botante, kailangang kilatising mabuti ang mga programa na balak gawin ng mga kandidato sa kanilang liderato hinggil sa isyu ng pagkain. Nakasalalay sa kanilang mga kamay ang direksyon na tutunguhin ng bansang Pilipinas.
Notes:
[1] Si Nathaniel Punongbayan Candelaria ay isang Teaching Associate at isang gradwadong mag-aaral sa Departamento ng Agham Pampulitika, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, UP Diliman.
References:
Amnesty International UK. “Philippines country most at risk from climate crisis.” Amnesty International UK, 29 October 2021. https://www.amnesty.org.uk/philippines-country-most-risk-climate-crisis.
Candelaria, Nathaniel Punongbayan. 2021. “The Philippines’ Food Security Situation in the Midst of the COVID-19 Pandemic: Challenges and Ways.” Philippine Strategic Forum, 12 April 2021. https://www.stratforumph.com/post/the-philippines-food-security-situation-in-the-midst-of-the-covid-19-pandemic-challenges-and-ways.
Climate Change Commission. 2018. “Climate Change and the Philippines: Executive Brief.” Executive Brief no. 2018–01. Climate Change Commission. https://niccdies.climate.gov.ph/files/documents/Climate%20Change%20and%20the%20Philippines%20Executive%20Brief%202018-01.pdf.
Devasahayam, Theresa W., ed. 2018. Ensuring A Square Meal: Women and Food Security in Southeast Asia. Singapore: World Scientific.
Dy, Rolando. 2020. “Making agriculture recovery sustainable.” BusinessWorld, 14 December 2020. https://www.bworldonline.com/making-agriculture-recovery-sustainable/.
Food and Agriculture Organization. 2006. “Food Security,” Policy Brief 2 .http://www.fao.org/fileadmin/templates/faoitaly/documents/pdf/pdf_Food_Security_Cocept_Note.pdf
-----. 2021. Rapid assessment of the impact of COVID-19 on food supply chains in the Philippines. Manila. https://doi. org/10.4060/cb2622en.
Hanjira, Munir A. and M. Ejas Qureshi. 2010. “Global water crisis and future food security in an era of climate change.” Food Policy 35: 365-377. 10.1016/j.foodpol.2010.05.006
Heywood, Andrew. 2019. Politics 5th Edition. United Kingdom: Red Globe Press.
Lech, Malte and Gerald Leppert. 2018. “Current Issues of the Philippine Land Use Planning and Management System.” German Institute for Development Evaluation (Deval) Policy Brief 1/2018. Bonn, Germany: German Institute for Development Evaluation. https://www.deval.org/fileadmin/Redaktion/PDF/05-Publikationen/Policy_Briefs/2018_1_Land_Use_Planning_Philippines/DEval_Policy_Brief_Land_Use_Planning_Philippines_2018_EN.pdf
Lusterio-Rico, Ruth. 2021. “What is COP26, and should Filipinos bother with it?” UP sa Halalan 2022, 09 November 2021. http://halalan.up.edu.ph/what-is-cop26-and-should-filipinos-bother-with-it/.
Palis, Florencia. 2020. “Aging Filipino Rice Farmers and their Aspirations for their Children.” Philippine Journal of Science 149(2): 351-361. https://philjournalsci.dost.gov.ph/images/pdf/pjs_pdf/vol149no2/aging_filipino_rice_farmers_.pdf
Parrocha, Azer. 2020. “Nat’l Land Use Act needed to ensure PH food security.” Philippine News Agency, 18 October 2020. https://www.pna.gov.ph/articles/1118918.
Philippine News Agency. 2021. “PH incurs $10-B losses due to climate-related hazards over 10 yrs.” Philippine News Agency, 02 November 2021. https://www.pna.gov.ph/articles/1158484.
Premanandh, Jagadeesan. 2011. “Factors affecting food security and contribution of modern technologies in food sustainability.” Journal of the Science of Food and Agriculture 91: 2707-2714. DOI 10.1002/jsfa.4666.
Pulse Asia. 2019. “June 2019 National Survey on the State of the Nation Address (SONA) of President Rodrigo R. Duterte.” Pulse Asia, 19 July 2019. https://www.pulseasia.ph/june-2019-nationwide-survey-on-the-state-of-the-nation-address-sona-of-president-rodrigo-r-duterte/.
–---. 2021. “September 2021 Nationwide Survey on Urgent Concerns and the Performance Ratings of the National Administration on Selected Issues.” Pulse Asia, 05 October 2021. https://www.pulseasia.ph/september-2021-nationwide-survey-on-urgent-concerns-and-the-performance-ratings-of-the-national-administration-on-selected-issues/.
Rasul, Golam and Bikash Sharma. 2016. “The nexus approach to water-energy-food security: an option for adaptation to climate change.” Climate Policy 16(6): 682-702. DOI: 10.1080/14693062.2015.102986
Social Weather Stations. 2020. “Fourth Quarter 2019 social Weather Survey: Quarterly Hunger decreases to 8.8%.” Social Weather Stations, 24 January 2020. http://www.sws.org.ph/swsmain/artcldisppage/?artcsyscode=ART-20200124143817.
–---. 2021. “Second Quarter 2021 Social Weather Survey: Hunger eases to 13.6% of families in June 2021.” Social Weather Stations, 18 July 2021. http://www.sws.org.ph/swsmain/artcldisppage/?artcsyscode=ART-20210728100035.
Teng, Paul P. S. and Margarita Escaler. 2014. “Food Security in Asia.” In Food Security: The Role of Asia and Europe in Production, Trade and Regionalism, edited by Wilhelm Hofmeister, Patrick Rueppel, and John Wong, 11-36. Singapore and Brussels, Belgium: Konrad Adenauer Stiftung, East Asian Institute, European Union Centre in Singapore, and European Policy Centre.