Wala Namang Pinagkaiba? Ang Party-list System sa ‘Pinas

by John Arvin Buenaagua

High school elections noon sa pinapasukan kong eskuwelahan nang may makita akong poster ng mga kamag-aral ko na nagsasabing iboto ang ‘party-list’ nila. Dahil makati ang utak ko at sadyang pakialamero, itinanong ko sa isa sa kanila kung anong bakit ‘party-list’ ang inilagay nila at hindi ‘party’.  Sabi ng tinanong ko, “wala naman daw pinagkaiba ‘yung dalawa.” Napakamot ako sa ulo. At dahil ayokong magmukhang nagmamarunong (hindi ko rin naman kasi rin alam talaga noon kung anong pinagkaiba), tumahimik na lang ako.

Sa dalawang taon ko sa pag-aaral ng Agham Pampulitika, maraming kulang sa Araling Panlipunan namin noon sa hayskul ang unti-unting napupunan ngayon: alam ko na kung paano isulat ang pangalan ni Jean Jacques Rosseau at kung gaano katagal ang One Hundred Years War. Bukod sa mga ito, alam ko na rin ang kahulugan ng salitang ‘party-list’.

Sabi ni Andrew Heywood, ang party-list raw ay isang ‘voting system in which electors vote for parties that are allocated seats in direct proportion to the votes’.  Isa itong sistema ng pagboto kung saan nakabase ang bilang ng upuan na makukuha ng isang partido sa dami ng mga bumoto sa kanya. Dito sa Pilipinas, dalawampung porsiyento ng mga upuan sa Mababang Kapulungan ang nakalaan para sa isang party-list system. Ang mga ‘party’ o partidong inihahalal ng sistemang ito ay iba sa mga malalaking partido na kinabibilangan ng iba pang mambabatas sa Mababang Kapulangan. Imbis na mga distrito, ayon sa Saligang Batas, ang mga partidong ito ay kumkatawan sa mga ‘sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na tagalungsod, mga katutubong pamayanang pangkalinangan, mga kababaihan, kabataan at sa iba pang mga sektor na maaaring itadhana ng batas, maliban sa sektor na panrelihiyon.’

Ayon sa RA 7941, ang saysay ng pagkakaroon ng ganitong sistema sa Kongreso ay para mapagbigyan ang mga kinatawan mula sa mga ‘marginalized’ at ‘underrepresented’ na sektor na ito sa paggawa ng mga batas – nang sa gayon ay matugunan ang mga pangangailangan ng mga nasabing sektor. Sa kasalukuyan, mayroong 28 na partidong sektoral ang nakaupo sa Kongreso, pito rito ang may tigalawang kinatawan. Ito ay mula sa 274 na partidong naghain ng kandidatura noong nakaraang eleksyon.

Nitong mga nakaraang buwan, naging matunog ang party-list system sa halalan. Bukod sa mataas na bilang mga partidong hindi pinayagan ng COMELEC na tumakbo, hayag din sa balita kung paanong inirereklamo ng ilang kandidato sa pagiging party-list representative ang ilan sa mga kalabang partido dahil hindi raw umano sila ‘marginalized’ at ‘underrepresented’ sa kasalukyang administrasyon o hindi naman kaya’y pakana lang ng mga mayayaman at malalaking political clan upang makakapit sa kapangyarihan. Samantala, sa isang infographic na inilabas ng UP sa Halalan website, ilan sa mga nanalong party-list representatives ay bigo sa pagpapasa ng mga batas para sa mga sektor na kanilang inirerepresenta. Higit sa kalahati ng mga batas na inihain ng 15 sa mga nagwaging partido ay hindi akma sa sektor na kanilang kinakatawan, samantalang apat naman sa kinatawan ng mga partido ay wala ni isang batas na naiakda.

Kung tutuusin, may substantibong kontribusyon dapat ang pagkakaroon ng party-list system sa Pilipinas. Sa isang bansa kung saan malakas ang impluwensya ng pagboto ayon sa pagtangkilik sa mga personalidad higit sa pagsukat sa kakayahang katawanin ang interes ng nakararami, may silbi ang pagkakaroon ng isang sistemang maninigurong walang sektor na naiiwan o hindi naririnig. Gayunpaman, kung patuloy ang paghahalal natin sa mga partidong walang legislative agenda o batas na balak itulakpara sa sektor na kanilang kinakatawan, hindi malayong maging pugad ng mga oportunistang partido at personalidad ang party-list system sa Pilipinas.

Ngayong eleksyon, 79 ang party-list candidates na pagpipilian mo. Isa lang ang pwede mong iboto. Higit sa pagkilala sa mga tao at partidong tumatakbo, dapat kilalanin mo rin ang mga institusyong gusto nilang pasukin at alamin kung ano ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Sa pag-alam ng mga ito, hindi lamang mas nagiging matalino at may saysay ang pagboto mo, mas nagkakaroon ka rin ng kakayahang singilin ang mga hinalal sa mga ginawa at hindi nila ginawa pagdating ng araw. Ang botong sayang ay hindi iyong ibinigay sa isang natalong kandidato, kung hindi iyong ibinigay sa kandidatong nanalo nga, hindi naman nagtatrabaho.

Ang hamon naman sa mga tumatakbong partido, ilatag ang mga plano nilang batas para sa mga napag-iiwanang sektor. Kung talagang ‘iba’ ang mga partidong tumatakbo sa party-list system sa mga malalaking partidong kumekembot at nagpapakyut para magkaroon ng upuan sa lokal at nasyonal na pamahalaan, ipakita nila kung ano ang pagkakaibang ito. Kapag sa mismong partidong kumakatawan umano sa iyo, hindi ka napapakinggan, paano pa kaya sa mga partidong ginawa lang para magwagi sa halalan? Ang tunay na kinatawang dapat binoboto ay ‘yung nagpapasikat pagkatapos manalo. Tunay na seseryosohin lamang ng mga botante ang mga kandidato kung seseryosohin ng mga kandidato ang makukuha nilang mandato.

References:

2010 National and Local Elections Results | http://www.comelec.gov.ph/?r=Elections/2010natloc/Results

Certified list of candidates for party list | http://www.philippine-embassy.org.sg/wp-content/uploads/2013-oav-party-list-candidates.pdf

Comelec proclaims 28 winning party-list groups | http://www.gmanetwork.com/news/story/192285/news/nation/comelec-proclaims-28-winning-party-list-groups

Comelec to review inclusion of party-list groups  | http://www.abs-cbnnews.com/nation/04/05/13/comelec-review-inclusion-party-list-groups

Dictionary of Key Terms in UK Politics | http://andrewheywood.co.uk

Partylist Congressmen: Lawmaking and Representation | https://www.facebook.com/UPsaHalalan2013

RA 7941 | http://www.lawphil.net/statutes/repacts/ra1995/ra_7941_1995.html

Saligang Batas ng Pilipinas | http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/ang_1987_konstitusyon_ng_republi.htm

John Arvin Buenaagua is a second year undergraduate of Political Science from UP Diliman. He is currently the Education Cluster Head of MagKaisa CSSP and a member of the UP Political Society (UP POLSCi) and UP Kalipunan para sa Agham Panlipunan at Pilosopiyang Pilipino (UP KAPPP).