Sino ang Panalo sa Ayuda?

May tatlong lalaking pumasok sa isang bar: Si Pedro, si Jose, at si Juan. Tinanong ng bartender si Pedro kung anong order niya. Ang sagot ni Pedro: “Pabili ngang alak, nawalan ako ng trabaho.” Sunod na tinanong si Jose. Ang sagot ni Jose: “Pabili ngang alak, naubos sa utang ‘yung sweldo ko.” Tapos tinanong si Juan, sabi ni Juan: “Ay ‘di ako oorder, ako lang magbabayad. Kakakuha ko lang ng AKAP.”

Ganyang mga klaseng biro ang uso ngayon sa social media at sa mga comedy show tungkol sa ayuda. Mainit na usapin nga naman kasi ngayon ang pagtanggap at pamimigay ng tulong-pinansyal sa mahihirap dahil sa eleksyon. Isyu ngayon ang paggamit diumano ng ayuda bilang paraan para bumili ng boto sa mga mahihirap. At sa mga middle class at mayayaman, isyu mismo ang paggamit umano ng buwis na kinukuha sa kanila para ibigay sa mga mahirap na ‘di nagtatrabaho at “walang ambag” na buwis.

Ngunit suriin natin ang reyalidad sa likod ng ayuda. Sa kasalukuyan, pumapalo lang ng 645 piso kada araw ang minimum wage sa Metro Manila, 435 piso sa Region VIII, 420.71 piso ito sa CALABARZON, 404 piso sa Region VII, IX, X, XI, XII, CARAGA, at Bangsamoro, at 400 piso sa Region I, II, III, at V. Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan noong Budget Hearing sa Kongreso, tinatayang kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro ng 9,581 piso para lamang makakain nang tatlong beses sa isang araw kada buwan. Sa pagkain pa lang, kapos na agad ang kinikita ng mga manggagawang minimum wage lang ang kinikita, lalo na kung ang trabaho mo ay sa mga probinsyang wala pang 500 piso kada araw ang pasahod. Bukod pa dito ang gastos sa kuryente, tubig, at pamasahe sa araw-araw.

Samantala, ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA), noong Enero ay may naitalang 2.16 milyong Pilipino na walang trabaho. Sa kasalukuyang krisis ng kawalan ng trabaho at kakulangan ng sweldo para sa mga mahihirap, dagdag pa ang hindi mapigil na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, hindi kataka-taka na maraming umaasa sa ayuda para lamang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Sa pangalan pa lamang ng mga ayudang nakalaan sa mga mahihirap ay may pagkilala na sa kakulangan ng kita upang sumabay sa mga pangangailangan ng mga naghihirap na Pilipino. Ang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program ng DSWD ay para sa mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor na hindi pa umaabot sa mimimum wage ang kinikita sa araw-araw. Ang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ng DOLE naman ay nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga nawalan ng trabaho, hindi makahanap ng trabaho, at kulang ang kinikita sa trabaho kapalit ng pagtulong pansamantala sa pangangailangan ng komunidad. Kapalit naman ng tulong na pinansyal na binibigay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng DSWD ang kasiguraduhan na makakatanggap ng sapat na edukasyon, pagkain, at kalusugan ang mga bata sa pamilya.

TUPAD beneficiaries/participants. Photo courtesy of Department of Labor and Employment (DOLE).

Kung titignan ang mga pangunahing programang pang-ayuda ng Gobyerno, sapat ang batayan kung bakit kailangang bigyan ng ayuda ang mga mahihirap nating kababayan. Maraming walang trabaho. At kung may trabaho man, kapos ang kita para matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Bukod pa rito, mayroong malilinaw na kondisyon at pamantayan ang bawat tulong-pinansyal na tinatanggap ng mga mahihirap na mamamayan.

Sa kabila nito, dahil sa pulitika sa pamimili ng mga makatatanggap at paraan ng pag-abot ng tulong-pinansyal sa mga benepisyaryo ng programa, hindi maiiwasan ang mga akusasyon na mayroon ngang gumagamit ng ayuda para manalo sa eleksyon. Ngunit hindi ba’t kung ito ang problema, ang dapat na sugpuin ay ang pang-aabuso sa programa at hindi ang programa mismo?

May mas nakakabahalang epekto ang pag-ugnay ng ayuda sa suhulan sa halalan: ipinapasa ang sisi sa problema ng suhulan sa mga lehitimong programa ng gobyerno para sa mahihirap. Ang resulta, nanganganib tuloy na mawala ang mga programang ito. Ngayon pa man din, kung may mga tumatakbo para paigtingin ang mga programang ito, mayroon din namang nais silang tanggalin. Ilan sa kanila, itinulak ang pagbawas ng budget para dito nitong mga nagdaang taon, sa kabila ng kawalan ng alternatibong solusyon sa kung paano susugpuin ang kakapusan ng kita at kawalan ng trabaho.

Dinadaganan ng mga pulitikong ito ang sentimyento na ang ayuda ay pinapanatiling tamad ang mga mahihirap, at umaasa lamang ang mga mahihirap sa ayuda imbis na magtrabaho. Ang resulta: imbis na magkaisa ang mga mamamayan sa pagpapataas ng sahod at pagpapalago ng mga industriya sa Pilipinas, pinag-aaway ang mga nahihirapan sa mga mas nahihirapan. Imbis na magkaisa ang mga mamamayan sa pagpapanagot sa mga abusado sa kapangyarihan, ang ginagawang kaaway ay ang mga pinaka-walang kapangyarihan sa lipunan.

Kung tutuusin, hindi ang mga pinakamahihirap ang nakikinabang sa ayuda sa kapos ang kita at mga walang trabaho. Pinakanakikinabang sa ayuda ay ang mga kumpanya at employer na ayaw magbayad ng nakabubuhay na sweldo. Imbis na magpasa ng batas upang pataasin nang pangkalahatan ang minimum wage sa Pilipinas, ayuda na lang. Imbis na pagtibayin ang batas laban sa mga kumpanyang abusado sa manggagawa, ayuda na lang. Imbis na manggaling sa tubo ng mga malalaking kumpanya ang dagdag kita na kailangan ng mamamayan, pinupunan na lang natin ng buwis ng kapwa naghihirap. Kung tutuusin, puwede namang kunin ang ayuda sa buwis direkta sa mga kumpanyang bilyun-bilyon ang kinikita sa ating bansa habang marami ang naghihirap. Pero bakit pa? Kung pwede namang ayuda na lang.

Habang marami ang walang trabaho at kapos ang kinikitang sahod, kailangan ng ayuda ng marami sa atin para lang mabuhay at magtaguyod ng pamilya. Kung ang galit mo sa ayuda ay sa mga tumatanggap nito at hindi sa mga umaabuso, baka galit ka lang sa mahirap. Kung ang galit mo sa ayuda ay sa mga may kailangan nito at hindi sa kawalan ng trabaho at kakapusan ng kita, baka galit ka lang sa mahirap. At kung ikaw, at ang maraming gaya mo, ay mas galit pa sa mahirap kaysa sa kahirapan, mukhang totoo ngang nagagamit ang ayuda sa pulitika: dahil nagagamit ito upang hatiin ang pagkakaisa ng mga mamamayan laban sa abuso, para sa nakabubuhay na sahod, at para sa regular na trabaho.


Vin Buenaagua is a graduate of BA Political Science from the University of the Philippines and a graduate of the Juris Doctor (JD) Program of the San Beda College Alabang School of Law. He currently works as a Political Affairs Assistant in the House of Representatives and is a featured stand up performer for Comedy Manila.

The views expressed are solely of the author and do not reflect the views of UP sa Halalan and UPD Department of Political Science.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *