Hindi sa lahat ng panahon ay makakaasa tayo sa pandaigdigang pamilihan hinggil sa suplay ng ating pagkain.

Nang tumakbo sa pagkapangulo si Ferdinand Marcos Jr. noong 2022, ipinangako niya na magiging bente pesos ang kada kilo ng bigas sa mga pamilihan. Para matupad ang kanyang ipinangako, unang nagdeklara ng food security emergency ang Kagawaran ng Agrikultura (Department of Agriculture) noong 03 Pebrero 2025, na nagbibigay pahintulot sa National Food Authority (NFA) na ilabas ang natatago nitong suplay ng bigas para bumaba ang presyo nito sa pamilihan. Maliban dito, binabalak din ng administrasyon na magbenta sa Visayas ng bigas na nagkakahalagang bente pesos kada kilo. At ngayong Mayo Uno, inilunsad sa Kapitolyo ng Lalawigan ng Cebu ang nasabing programa, na pinamagatang “P20 Benteng Bigas Meron na (PBBM).”
Hindi lingid sa kaalaman ng pagkasalukuyang administrasyon na bumababa ang popularidad nito, na siya namang nararanasan din ng iba pang mga bansa. Kung titingnan natin ang resulta ng mga halalan sa ibang mga bansa, mapapansin natin na malaking isyu para sa kanila ang mataas na halaga ng bilihin na lubhang nakakaapekto sa badyet ng isang pamilya. Sa nagdaang halalan sa Estados Unidos noong 2024, kinokonsidera ang pagtaas ng bilihin bilang isa sa mga salik kung bakit nanalo si Donald Trump ng isa pang termino bilang Pangulo nito. Ito rin ang itinuturong dahilan sa pagbibitiw ni Justin Trudeau bilang punong ministro ng Canada. May mga iba pang mga bansa na naapektuhan ang kanilang mga pamahalaan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pamilihan, maliban sa unang dalawang nabanggit.
Kaya naman hindi kataka-takang gagawin ng pamahalaan ang mga programang nabanggit, lalo na’t papalapit na ang Halalang 2025, dahil sa pananaw ng mga tao na hindi sapat ang aksyong ginagawa ng administrasyong Marcos Jr. hinggil sa pagkontrol ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na sa presyo ng pagkain. Kaya’t kung tutuusin, napapanahon na namang pag-usapang muli ang food security sa Pilipinas.
Una kong sinubaybayan ang isyu ng pagkain bilang isang mahalagang bagay na dapat pag-usapan sa isang halalan sa pamamagitan ng isang sanaysay noong 2022. Sa nasabing sanaysay, binanggit ko na mahalaga sa taumbayan ang isyu ng pagkain, batay sa mga sarbey na ginamit ko sa pagsusulat nito. Binanggit ko rin na dapat itong tutukan ng susunod na administrasyon
Tatlong taon na ang lumipas, ngunit napapanahon pa ring pag-usapan ang food security bilang isa sa mga mahahalagang isyu na tinitingnan ng mga botante sa darating na halalan. Batay sa isang sarbey ng Pulse Asia na lumabas noong 16 Abril 2025, binabanggit ng nasabing sarbey na ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng bilihin ang pangunahing isyu na dapat tutukan ng gobyerno. Sa isang sarbey naman na isinagawa ng Social Weather Stations o SWS, 27.2 na porsyento ng pamilyang Pilipino ang nakararanas ng gutom. Samakatuwid, isa ang pagresolba sa mataas na presyo ng pagkain at iba pangunahing bilihin sa mga batayan ng pagboto ng mga Pilipino sa darating na halalan 2025, batay naman sa sarbey ng WR Numero.
Subalit kung magbabalik-tanaw tayo sa kasaysayan, tila ba hindi nareresolba ang isyu ng food security sa Pilipinas. Batay sa isang pag-aaral, isang mahalagang salik ang presyo ng bigas sa nagiging resulta ng halalan sa Pilipinas simula dekada ‘50. Isa rin ang Green Revolution sa mga itinuturong dahilan sa pagkakapanalong muli ni Ferdinand Marcos Sr. noong 1969, bago niya dineklara ang Batas Militar noong 1972. Ipinatupad naman ng Diktaturang Marcos ang Masagana 99 noong 1973, ngunit maraming isyu ang lumabas dito. Matapos ang pagpapanumbalik ng demokrasya noong 1986, patuloy pa ring binantayan ng mga sumunod na administrasyon ang isyu ng bigas. Kaya naman marami ring mga kandidato ngayong Halalan 2025 ang nangangakong tutugunan ang problema sa pagkain ng Pilipinas, sakali mang manalo sila.
May mga grupo at mga eksperto na nagsasabi na hindi sapat ang ginagawa ng administrasyong Marcos Jr. hinggil sa isyu ng pagkain. Ayon sa Kilusang Mayo Uno, “dapat nitong ibasura ang Rice Liberalization Law, itaas ang suporta sa lokal na produksyon, at ipatupad ang mahigpit na regulasyon laban sa hoarding at overpricing ng malalaking negosyante.” Sinasabi naman ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-Unlad ng Agrikultura (MASIPAG), na maaaring gamitin ang food security emergency para sa pampulitikang dahilan, kaya’t tinatawag din nito na dapat irepaso ang Rice Liberalization Law na isinabatas noong administrasyong Duterte. Tinututulan din ng Ibon Foundation ang pagpapalalim ng pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa IRRI. Hindi naman ito sinasang-ayunan ng mga ekonomista sapagkat para sa kanila, ang dapat gawin ng administrasyong Marcos Jr. ay habulin ang mga middlemen na nakikinabang sa mataas na presyo ng bigas, na sinasang-ayunan din naman ng ibang mga grupo, at dapat ring pataasin ang rice productivity sa Pilipinas.
Kahit na may pagkakaiba ng mga opinyon hinggil sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain sa Pilipinas, sumasang-ayon naman ako na kinakailangan pa rin na suportahan ng pamahalaan ang agrikultura sa Pilipinas. Hindi sa lahat ng panahon ay makakaasa tayo sa pandaigdigang pamilihan hinggil sa suplay ng ating pagkain, kagaya ng nangyari noong COVID-19 pandemic. Bagamat mahalaga ang teknolohiya sa agrikultura, na siya namang ginagawa ng pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa IRRI, lalo na sa panahon ng climate change na paksa ng aking tesis sa masteradong antas, kinakailangang rin hindi ito mapanaminsala sa kapaligiran, na siya namang pinupunto ng mga kritiko nito. Kahit na may batas na sa Pilipinas hinggil sa organikong agrikultura, kinakailangan pa rin itong palakasin. At panghuli, kinakailangan din ng pamahalaan na isabatas ang national land use plan upang masigurado ang wastong paggamit ng lupa sa Pilipinas.
Ipinapakita ng sanaysay na ito na nananatiling isyu ang food security sa nalalapit na halalan 2025. Kinakailangang suriing maigi ang mga plataporma ng mga kandidato sa lahat ng antas hinggil sa isyung ito. Gaya ng aking binanggit sa nauna kong sanaysay noong 2022, nananatili pa rin sa kamay ng mga botante ang tatahaking direksyon nito sa Pilipinas, at kasama na dito ay ang pagpili ng mga kandidatong may ihinahaing solusyon sa problema at presyo ng mga pagkain at mga produktong galing sa agrikultura.
Nathaniel Punongbayan Candelaria is an Assistant Professor at the University of the Philippines Diliman Department of Political Science.