by Asst. Prof. Kristoffer Esquejo
Bagama’t nanatiling monopolyo ng mga elit ang pulitika sa bansa, marami-rami na rin ang nagbago sa paglipas ng panahon. Mas marami na ngayon ang kababaihang halal kaysa noon sa sangay ehekutibo at lehislatibo. Mas edukado na ang nakararami sa hanay ng mga mambabatas. Hindi na kulong sa pagiging ‘panginoong maylupa’ ang karamihan sa kanila kundi mayroon na ring ‘real-estate developers,’ ‘bankers,’ ‘stockbrokers,’ mga propesyunal at negosyante. Sa Senado, dumami na rin ang mga artista at personalidad galing sa sektor ng midya. Gayunpaman, nakalulungkot tanggapin ang katotohanang nasa kamay ng pawang mayayaman ang kapangyarihang mamuno at gumawa ng mga batas para sa isang mahirap na bansa gaya ng Pilipinas. Dagdag pa rito, taumbayan rin naman ang nagluklok sa kanila sa pamamagitan ng isang mahalagang gawain sa demokrasya – ang halalan.
Sa kaso ng ating bansa, paano nga ba pumipili ng lider ang mga botanteng Pilipino? Para kay Eduardo M. Lapiz, isang pastor at manunulat, mayroong piling katangiang hinahanap ang isang karaniwang Pilipino para sa kanyang ‘tipong lider.’ Ilan sa mga ito ay mainam banggitin at palawakin.
Una ay KAHUSAYAN kung saan naiiba at maitatampok ang lider sa karamihan. Bagama’t natalo o sabihin man nating dinaya noong 2004, isang magandang halimbawa dito ay ang yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. o ‘FPJ’ na madalas makita sa mga pelikulang nakikipagbarilang mag-isa sa maraming kalaban. Hindi siya pinagsasawaan ng masang manonood dahil lagi siyang nakasakay sa imahe ng ating mga bayani sa mga sinaunang epiko – umaalis, makikipagsapalaran sa ibang lupain, makakatagpo ng ermitanyo, bibigyan ng kapangyarihan, babalik sa sariling bayan at magtatanggol sa mga inaapi. Ibig sabihin, Pinoy na Pinoy ang paghahanap ng husay kasi nakaugat ito sa ating katutubong panitikang pasalita – mito, alamat at kwentong bayan.
Ikalawa ay LAKAS sa lalake at GANDA sa babae. May kinalaman ito sa pagiging imaheng ‘macho’ ng kalalakihan kung saan ang ganda ay puwede ring ‘magandang lalake.’ Makikita ito sa aspekto ng pananalita ni Manuel L. Quezon na isang kilalang mananalumpati. Noong kanyang kapanahunan, tanging sa mga plasa lamang nagsasalita ang mga kandidato at ang mga tao ay nagtitipon dito para manood at makinig kung kaya isang malaking salik ang may karisma sa talumpati. Isama na rin ang pagiging magandang lalake o hitsurang Kastila ni Quezon sa pagkuha sa atensyon ng kababaihang tagapanood. Mahilig din siyang gumawa ng mga eksena kung saan ibinabalita ang kanyang mga pakikipagtunggali sa mga Amerikanong opisyal na nais magdikta sa kanya.
Isa ring halimbawa dito si Ferdinand Marcos na ginamit ng husto ang kanyang popularidad sa kanyang pagiging di-umano’y ‘war hero’ at pagkatanggap ng maraming medalya noong nakaraang digmaan. Namuhunan din siya sa kagandahan at kahusayan sa pag-awit ng kanyang asawang si Imelda Marcos tuwing may kampanya. Binuhay niya sa kanilang dalawa ang sinaunang mito ng “Si Malakas at si Maganda” at ang pagiging “JFK and Jacqueline Kennedy” ng Pilpinas. Hindi rin dapat kalimutan ang kanyang mga gimik batay sa kanyang sariling talambuhay na ginawang pelikula – “Iginuhit ng Tadhana” at libro – “For Every Tear, a Victory.” Pamagat pa lang ay mukhang aani na ng simpatya mula sa taumbayan.
Ikatlo ay MABUTING KALOOBAN. Dapat ang isang lider ay may pinagsamang tapang at magandang kalooban. Bagama’t mahusay at malakas, inaasahang may simpatya at pakikiramay siya sa karaniwang tao. May kinalaman ito sa kahulugan ng ‘loob,’ isang katutubong konseptong Pinoy na napakahirap isalin at tila walang katumbas sa wikang Ingles. Di ba may mga sinasabi tayong “magaan ang loob,” “buo ang loob,” at “nahulog ang loob,” at iba pa? Kaugnay nito, ang magandang kalooban ay konektado din sa pagiging mapagmahal, mapagbigay, maalalahanin at may malasakit.
Marami ang nagsasabing pinakapopular daw na pangulo si Ramon Magsaysay. Kung tutuusin, malaki ang papel ng propaganda upang siya ay bumenta ng husto at makuha ang loob ng masa. Katunayan, siya ang nagpauso ng house-to-house campaign kung saan ang pulitiko ay kailangang makitang nakikipantay sa karaniwang tao – nakikipagkamay, humahawak ng bata, nagtatanim ng palay at tumatalon sa kanal. Matatandaang siya ang unang nagpauso ng pagsusuot ng barong tagalog sa mga pormal na okasyon at paggamit ng campaign jingle – ang “Mambo Magsaysay.”
Maliban kay Magsaysay, isa pang mahusay sa aspektong ito ang dating Alkalde ng San Juan, naging Senador, Bise-Presidente, Presidente at gusto pang maging susunod na Alkalde ng Maynila – si Joseph Ejercito Estrada. Palayaw pa lang na pinauso sa kanyang mga pelikula (Erap, baligtad ng Pare) ay patok na agad sa masa, pati na ang kanyang mga pelikulang hawig kay FPJ – ang “Asiong Salonga,” “Kumander Alibasbas” at iba pa. Bagama’t galing sa elit na pamilya, gumamit rin siya ng propaganda para lalong mapalapit sa masa gaya ng islogang “Erap para sa Mahirap,” programang “Jeep ni Erap” at ang walang kamatayang “Erap Jokes” gaya ng pagbibiro sa kanyang mali-maling pagsasalita ng Ingles. Ipinapakita nitong siya ay kaisa ng masa, madaling lapitan at kasama ng masa na inaapi at pinagtatawanan ng elit.
Samakatuwid, mayroong pagtatangka ang ating mga lider sa nakaraan at ngayon na aralin ang kulturang Pinoy para makuha ang botong Pinoy. Sana lamang ay maging mas kritikal at mapanuri ang botanteng Pinoy kung sinu-sino ang peke sa totoo, ang nagpapanggap lamang sa totoong lider na nagtataglay ng ‘kahusayan,’ ‘lakas o ganda,’ at ‘mabuting kalooban.’ Gayunpaman, dapat lamang mapaalalahanan tayong lahat bilang mga botante, at maging ang mga nangangarap maging lider, na dapat lamang inaaral ang nakaraan dahil may pakinabang ito sa kasalukuyan at hinaharap. May kinalaman dito ang pahayag ni Gabriel F. Fabella, yumaong propesor ng UP at dating kinatawan ng Romblon:
“A study of the achievements and even of the failures of our past leaders is of utmost importance to the future of our country, and of course, of our own province in particular. We may obtain inspiration from them for their good deeds, and we could profit from their mistakes and failures.”
Si Kristoffer R. Esquejo ay isang Katuwang na Propesor sa Departamento ng Kasaysayan ng UP Diliman. Kasalukuyan siyang nagtatapos ng Doktorado sa Kasaysayan sa parehong pamantasan . Ilan sa kanyang mga interes ay ang kasaysayang pampulitika at kasaysayang pangkultura ng Pilipinas.