Isang balintuna na ang mga karapatang abot-kamay para kay Duterte ay ipinagkait para sa mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang na sinasabing isinagawa nang may direktang atas mula sa kanya.

Ang warrant of arrest kay dating Presidente Rodrigo Duterte na inilabas ng International Criminal Court ay mahalagang hakbang para sa pagpapanagot sa kanya sa diumano’y mga krimeng ginawa sa ilalim ng kanyang kampanyang kontra-droga.
Nagsisimula nang di pumabor sa mga Duterte ang 2025. Nababaling ang atensyon ng dating matatag na dinastiya mula sa nakaambang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte tungo sa internasyonal na pag-uusig sa mga krimen ng kanilang patriyarka. Maghanda man ng malakas na depensa si Rodrigo Duterte sa harap ng International Criminal Court (ICC), ang kasong ito’y tiyak nang magkakaroon ng epekto sa politika sa Pilipinas.
Noong Marso 11, naghain ng warrant of arrest kay Rodrigo Duterte ang ICC para sa umano’y mga krimen sa sangkatauhan ng dating presidente sa ngalan ng kanyang madugong gyera kontra droga. Matapos idetine ng Interpol sa pamamagitan ng Philippine National Police, inilipat si Duterte sa The Hague, Netherlands lulan ng isang chartered flight.
Idinadahilan ang pangangailangang iligtas ang mga Pilipino sa paglaganap ng iligal na droga, pinasimulan ng populistang lider ang sistemikong pambansang kampanyang kontra-droga na humantong sa libo-libong ekstrahudisyal na pagpaslang. Tinataya ng mga grupo sa karapatang pantao ang bilang ng pinaslang sa 12,000 hanggang 30,000, na kalakha’y mahihirap na mga Pilipino.
Unang pagkakataon ito na ang isang pinuno ng bansa, na Pilipino o Southeast Asian, ay inarestro ng internasyonal na korte. Ang ICC ay itinatag sa bisa ng Rome Statute na kasalukuyang may 195 na kasaping estado. Kinakatawan ng multilateral na institusyong ito ang pandaigdigang pamantayan sa indibidwal na pananagutang kriminal para sa pinaka-karumal-dumal na mga krimen sa sangkatauhan.
Ang imbestigasyon ng ICC na nagsimula noong Marso 2018 ay nakatuon sa mga krimen na umano’y ginawa mula 2011 hanggang 2019, na sumasaklaw sa panunungkulan ni Duterte bilang mayor ng Davao City at pagkatapos, bilang presidente. Idinetalye ng arrest warrant ang mabibigat na kontribusyon ni Duterte sa pagsasagawa ng naturang mga krimen, partikular ang pagdisenyo ng patakaran na nagtalaga ng mga susing tagapagpatupad ng kasunod na pagpatay.

Isinaad din sa warrant ang pangangailangan sa pag-aresto—bagamat wala na siya sa katungkulan, makapangyarihan pa rin si Duterte. Ang warrant of arrest ay inihahain kung may “makatarungang batayan para paniwalaan na ang isang tao ay nakagawa ng krimen sa ilalim ng hurisdiksyon” ng korteng nakabase sa The Hague at ang pag-arestong ito’y nakikitang kailangan.
Matagal nang kinukwestyon ni Duterte at ng kanyang mga alyado sa pulitika ang hurisdiksyon at lehitimasiya ng ICC. Hinamon niya ang human rights regime ng Korte, at sinabing hadlang ito sa seguridad at kaayusan. Konsistent din siya sa pananaw na may bias na kanluranin ang Korte, bilang institusyon na gustong pahinain ang soberanya ng estado, isang naratibong ibinubulid din ng mga rebisyonistang estado tulad ng Rusya at Tsina. Sa katunayan, bago ang makaisang-panig na pag-atras ni Duterte sa Rome Statute noong 2019, nauna na itong ginawa ng kanyang kaibigan at idolo, ang pangulo ng Rusya na si Vladimir Putin noong 2016.
Sa pagbaba sa katungkulan noong 2022, malakas ang paniniwala ni Duterte na patuloy siyang makakaiwas sa ICC. Nang manalo sa eleksyon sa pagka-presidente, nangako si Ferdinand “Bongbong” Marcos na walang gagalaw sa dating presidente, gawa ng kakulangan sa hurisdisyon ng ICC (bagamat bomoto rin siya sa ratipikasyon ng Statute noong senador siya).

Nagbago ang ihip ng hangin nang makalag ang dinastikong alyansang Marcos-Duterte. Noong Enero 2025, binago ni Marcos Jr. ang kanyang tindig at sinabing “paborable (siyang) tutugon” sa pag-aresto ng ICC at makikipagtulungan sa International Criminal Police Organization (Interpol). Ang iba pang pangalang dawit sa kaso ng ICC ay ang anak ni Duterte na si Sara, at dalawang malapit na alyado na tumatakbo sa reeleksyon sa Senado sa papalapit na midterm elections sa Mayo.
Dahil sa lakas pa rin ng suporta kay Duterte, nagpakilos ang administrasyon ni Marcos Jr. ng 7,000 miyembro ng pulisya para igawad ang warrant. Iginiit ng kasalukuyang pangulo na ginawa ang pag-aresto bilang pagtalima ng Pilipinas sa Interpol bilang kasapi ng internasyonal na organisasyong ito.
Habang tila may padron ang mga dating presidente na kinukulong dahil sa matitinding krimen, nariyan pa rin ang posibilidad ng pagbulusok ng estabilidad ng politika sa bansa. Noong Mayo 2001, ang pag-aresto sa pinatalsik na presidenteng si Joseph Estrada ay nagbunsod ng malawakang mobilisasyon na halos pumilay sa gubyerno. Kaya hindi maaaring isantabi ang nakakapinsalang polarisasyon na maaaring maganap dahil sa pag-aresto kay Duterte.
Maaaring asahan ang mga hamon mula kay Duterte sa lahat ng posibleng larangang legal. Maaaring litising muli ang matagal nang isyu ng hurisdiksyon ng ICC sa mga Pilipino. Bilang subject ng warrant, may karapatan si Duterte na hamuning muli ang hurisdiksyon ng ICC gayong umatras na ang bansa sa Rome Statute. Maaari din siyang magsampa ng admissibility challenge base sa prinsipyo ng complementarity—ang idea na ang ICC ay papasok lamang kung ayaw o hindi kaya ng mga institusyong penal na imbestigahan at usigin si Duterte para sa mga aktong nakasaad sa warrant of arrest. Habang nagpapatunay ng pagsisikap sa pag-iimbestiga kay Duterte ang malaking bilang ng pulis na idineploy, lumiliit naman ang batayan para sa dating pangulo, dahil saklaw ng complementarity ang lahat ng institusyong pang-katarungang kriminal ng isang bansa.
Bagamat maaaring ipukol ni Duterte sa ICC ang mga tanong na ito, masasabing ligal pa rin ang pag-aresto sa kanya. Sa kaso ng kanyang pag-aresto at paglipat, nagpadala ng hiling para sa kooperasyon sa mga custodial states, na maaaring magpasya na tulungan ang Korte na iharap sa kanila ang nasasakdal. Ngunit ang obligasyong makipagtulungan ay laging sa estadong partido. Dahil hindi na partido ang Pilipinas, nakasalalay na sa kagustuhan ng gubyerno ni Marcos Jr. ang pakikipagtulungan sa korte.
Dumulog pa sa Korte Suprema si Duterte at hinamon ang ligalidad ng kanyang aresto at maaari niya namang igiit ang kanyang karapatang konstitusyonal na hindi mapiit dahil sa kawalan ng due process. Kung papayagan, makokomplika nito ang kanyang status bilang isang tao na nasa hurisdiksyon ng ICC dahil ituturing ito ng kataastaasang korte ng Pilipinas bilang bukas na kwestiyong ligal. Maaaring humiling ng pansamantalang pagpapalaya si Duterte. Pinapayagan ng Rome Statute ang isang awtoridad na hudisyal na may kakayahan, o ang isang Pre-Trial Chamber, na magpasya sa ilalim ng mga piling kondisyon.
Isang balintuna na ang mga karapatang abot-kamay para kay Duterte ay ipinagkait para sa mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang na sinasabing isinagawa nang may direktang atas mula sa kanya.
Ang orihinal na bersyon ng op-ed na ito sa wikang Ingles ay nalathala sa fulcrum.sg. Ito ay isinalin ni Ma. Cecilia dela Rosa, isang mananaliksik ng Departamento ng Agham Pampulitika ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Si Aries A. Arugay ay Propesor at Tagapangulo ng Departamento ng Agham Pampulitika ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman at Visiting Senior Fellow ng ISEAS-Yusof Ishak Institute. Si Michael T. Tiu, Jr. at Katuwang na Propesor ng Kolehiyo ng Batas ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.