Gastos sa Kampanya: Ngayon

deancoNagsagawa ng monitoring at pag-aaral tungkol sa eleksyon at campaign finance, o campaign spending, ng mga pulitiko noong 2007 ang grupong Pera at Pulitika (PAP). Dalawang lebel ang aming ginawa—isa sa antas lokal, para sa mga kandidato na tumakbo sa lokal na posisyon, at isa sa antas nasyunal, para sa mga tumakbo sa pagka-senador. (Hindi namin kayang i-cover pa yung  party-lists na nasa antas national din.)

Napatunayan namin na napakahirap i-monitor o subaybayan ang kanilang expenditures, dahil sa TV ads pa lamang ay kailangang tutukan buong araw para makita kung ilang ads nila ang lumabas. Ang pinakamagandang paraan ay mag-commission ng grupo na sadyang gumagawa na ng ads monitoring. Ito ay ang TV ratings firm na AC Nielsen. Isang function nito ay i-monitor ang commercials sa TV. Sinuri namin ang data mula sa AC Nielsen at lumabas kung magkano ang ginagastos ng isang kandidato doon pa lamang sa TV commercials. Nalaman din namin na ang TV commercial ang pinakamahal na pamamaraan ng kampanya, kasunod nito ang mga radio commercials.

Dalawa lamang ito sa malaking ginagastusan ng mga kandidato. May iba pang pinagkakagastusan sa kampanya, gaya ng mga rallies at sorties, kung saan umiikot sila sa buong bansa at mga key cities. Namimigay din sila ng t-shirts, pamaypay, at iba pang mga items. Ang pamasahe sa pag-ikot nila ay bahagi ng campaign spending. Lahat nang ito ay napakahirap i-monitor. Kahit sinubukan naming makipag-ugnayan sa kanilang staff, mahirap makakuha ng transparency  kung magkano lahat ang gastusin o expenses. Sinabi nila na ang kanilang  pondo ay galing din naman sa maraming donors, kaya sila mismo ay nahihirapang tukuyin lahat ng spending. Tinutukan namin ang tv at radio commercials—ang pinakamalaking chunk ng expenditures ng national candidates.

Sa mga local candidates, gumawa kami ng monitoring sa mga piling lugar kung saan medyo kritikal ang eleksyon by tradition. Natukoy namin sa Metro Manila ang Malabon, Navotas, Pasig, at Quezon City at sa labas naman ng Metro Manila ay Abra na masasabing election "hotspot." Dahil sa resource constraint, Metro Manila muna ang tinutukan namin. Mas madali ring i-monitor  ang lokal na kampanya.  

Tiningnan namin ang datos sa national at local levels at ikinumpara sa expenditures na pinahihintulutan sa batas. Sinuri namin ang mga gastos na iyon kung pinahihintulutan sa ilalim ng campaign finance laws at kung ipinapatupad ba ang batas sa aktuwal na kampanya.

Lumabas na, una, may ilang problema sa batas dahil mahirap itong ipatupad kung hindi naman makakapagsumite ng makatotohanang ulat ng spending ang mga kandidato. Maraming kandidato na hindi sumusunod sa itinatakda ng batas. Ikalawa, kung meron namang isinumiteng report sa Comelec, paano naman mapapatunayan kung ito ay kumpleto at makatotohanan?  Dapat may mekanismo at tauhan  ang  Comelec upang maisagawa ito. Nakita namin na kulang ang mekanismo at tauhan sa Comelec upang i-monitor ang campaign finance.

Batay sa aming pagsusuri, naglabas kami ng ilang mga rekomendasyon:

  1. Kailangang magkaroon ng sapat na mekanismo at tauhan ang Comelec upang maayos na maipatupad ang batas.
  2. Napapanahon nang repasuhin kung ang nakasaad sa batas na allowable expenses ay makatotohanan pa ba o hindi na. Ayon sa batas, pinapayagang gumastos hanggang P3 kada botante ang isang kandidato at kung ang kandidato ay miyembro ng pulitikal na partido, pinapayagan siyang gumastos hanggang P10 kada botante. Mukhang doon pa lamang sa gastos sa tv commercials, maraming kandidato na ang lumalabag sa batas.  
  3. Alinsunod sa batas, kailangan ding magreport ang mga donors ng kandidato. Noon, hindi ito ginagawa, hindi sila nagsusumite ng ulat. Compliance ang problema. 

Nanawagan kami na bigyan ang Comelec ng angkop na kapangyarihan, sa pamamagitan ng mekanismo, tauhan at unit o opisina na magpapatupad ng batas sa ilalim ng campaign finance monitoring.  

  1. Nagtagumpay ang PAP na ipakita sa publiko ang kahalagahan ng aspeto ng campaign spending. Hindi patas ang kampanya, kaya kailangang i-regulate o pangasiwaan ang campaign spending para maging patas ang laban.
  2. Malaking tulong ang media. Tinatanong nila sa mga kandidato kung magkano ba talaga ang ginagastos sa kampanya. Naisusulong nito ang transparency.
  3. Nagising ang Comelec na kailangan pala nitong palakasin ang komisyon upang maipatupad ang batas. Dahil sa ganitong advocacy, tumugon ang Comelec. May itinatag ang Comelec na campaign finance monitoring unit.

Noong eleksyon 2010, nagsumite  na ang mga kandidato ng kanilang  report sa Comelec.  Inilathala sa mga pahayagan kung magkano ang kanilang ginastos at sinubukan din nilang maging bukas o transparent hinggil sa campaign spending. Nagkaroon ang mga tao—kandidato, media, Comelec—ng kamalayan tungkol sa campaign spending.  

Ngayong eleksyon 2013, maingat na rin ang mga kandidato dahil may memorandum ang Comelec kaugnay ng campaign finance at paglalagay ng campaign ads sa designated spaces.  Binawasan din ang bilang ng minuto o oras para sa radio commercials. Tutol dito ang ilang kandidato pero nakikita natin ngayon ang resulta  ng nasimulan ng PAP noong 2007. Naging mas vigilant o mapagbantay ngayon ang Comelec at civil society groups at tumaas ang kaalaman ng publiko kaugnay ng campaign spending.

Ngayong naitayo na ang campaign finance monitoring unit ng Comelec, may continuing policy reforms na kailangan pa. Una, dapat lagyan ng corresponding budget para sa campaign finance monitoring unit, for hiring of personnel sa Comelec, kung saan administrative at management ang kailangang bigyan-pansin ng pamahalaan. Pangalawa, dapat  susugan ang pagrepaso ng campaign law sa Senado at Kongreso upang malaman kung ano ang kailangang baguhin.  

Kailangan rin ng malawakang education/information campaign  para sa publiko, partikular sa pagpili ng kandidato na may kinalaman sa “excessive campaign spending,” at ang patuloy na pagbabantay ng publiko sa mga ginagastos ng kandidato para sa kampanya.


Ang awtor ay dekana ng Pambansang Dalubhasaan ng Pamamahalang Pambayan ng UP. Padalhan siya ng email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.