Gastos sa Kampanya, Sukdulan nga ba?

gastosSinasabing nakabubuti para sa ekonomiya ang paggastos sa pangangampanya ng mga kandidato't partido pulitikal tuwing may pambansang halalan. Ayon sa pagsusuri nina Richard Emerson Ballester, et al., ng National Economic Development Authority (NEDA), nakikitaan ng bahagyang pag-angat sa gross domestic product (GDP) ang iba't-ibang sektor ng ekonomiya, at dumarami ang nagkakaroon ng panandaliang empleyo sa mga nasabing panahon.1

Ngayong taon, kung kailan idinaraos ang halalang midterm, tinatayang mahihigitan pa ang gastos sa mga pampulitikang kampanya noong 2010 at 2007. Sa political ad spending pa lang, tinatayang aabot na sa Php2 bilyon ang gagastusin ng mga kandidato't partido.2 Kalakhan ng gastos ay para umano sa mga patalastas sa television networks, kung saan halos Php500,000 ang binabayaran sa 30-segundo hanggang isang minutong patalastas, bilang pangunahing daluyan ng impormasyon. Ang pagtayang ito ay 66 porsiyentong mas mataas kaysa sa Php1.2 bilyong ginastos ng mga pulitiko para sa media ads noong 2007, ayon sa ulat ng Deutsche Bank AG/Hong Kong nitong Enero.

Balikan natin ang mga pagsusuring nauukol sa pagbaha ng pera tuwing may halalan. Patampukin natin ang ginagastos ng mga kandidato sa pagka-senador upang unawain ang pampulitikang kalakaran sa bansa.

Magkano nga ba ang political ad spending ng mga kandidato't partido noong eleksyong 2010 at 2007? May nalalabag bang election laws batay sa laki ng gastos sa pangangampanya? Anu-ano ang mga aral at rekomendasyong mabubuo upang maisaayos ang kalakaran ng halalan sa bansa?

Pagsusuri sa halalan 2010

Noong 2010, iniulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na halos Php4.3 bilyon ang kabuuang gastos para sa mga patalastas o political advertisements ng mga kandidato sa pagka-pangulo, pangalawang-pangulo, senador at party-list groups sa loob ng 90 araw na kampanyahan.3 Php1.1 bilyon dito ang ginastos ng limang kandidato sa pagka-pangulo habang Php1.5 bilyon ang gastos ng mga kandidato sa pagka-senador.

Ang nasabing halaga ay may maidaragdag umano sa GDP ng bansa (0.39 porsiyento) at sa kaban ng bayan, ayon sa National Economic and Development Authority-National Planning and Policy Staff (NEDA-NPPS). Dagdag pa ng NEDA-NPPS, tinatayang nasa Php15 bilyon ang kabuuang ginastos ng pamahalaan at ng mga kandidato noong halalan 2010. Kasama na dito ang badyet ng Comelec. Mas malaki ito kaysa sa ginastos noong 2007.  

Ang gastos sa political ads ay sumakop sa 29 porsiyento ng kabuuang gastos sa halalan 2010. Kalakhan pa rin nito o 78 porsiyentong gastos sa ads ay para sa mga patalastas sa telebisyon, kaya naman kumita umano ng halos tig-Php1 bilyon ang ABS-CBN Broadcasting Network at GMA Network noong panahon ng kampanya. Nakapagtala din ang PCIJ ng Php1.1 bilyon gastos para sa ads ng mga kandidato sa pagka-pangulo bago pa man nagsimula ang opisyal na kampanyahan. Hindi pa kasama sa kwenta ang magkakahalong ads ng mga kandidato at party-list groups.

Kung gayon, ang mga media networks ang may pinakamalaking pakinabang sa pangangampanya ng mga pulitiko, habang napakaliit lamang ang ambag nito sa GDP ng bansa.

Pera at pulitika noong halalan 2007

Ayon sa pagsusuri ng Pera't Pulitika (PAP) ng Transparency and Accountability Network, Lawyers' League for Liberty, Consortium for Electoral Reforms, Access to Information Network, at mga mananaliksik, nagkaroon ng maraming iregularidad at iligal na aktibidad noong halalan 2007.4 Nakapagtala sila ng mga iregularidad tulad ng overspending o paggastos nang higit sa halagang naaayon sa batas, under-reporting o hindi pagsumite ng kumpletong listahan ng nalikom na pondo at ginastos sa salapi para sa kampanya, sobra-sobrang pag-ere sa telebisyon at radyo, at vote-buying o pagbili ng boto. Iniulat din ng PAP na hindi ganap na naipatupad ng Comelec ang mga nakatakdang patakaran at batas para sa campaign finance.

Tinatayang gumastos ng Php1.86 bilyon ang mga kandidato sa pagka-senador para sa kanilang mga political ads noong 2007. Php1.1 bilyon o 59 porsiyento nito ay gastos ng Team Unity (TU) na kaalyado ng administrasyon at ito'y higit pa sa pinagsamang gastos ng katunggaling Genuine Opposition (GO) at iba pang kandidato. Kalakhan ng pondo ay ginastos para sa mga patalastas sa telebisyon, 27 porsiyento ang sa radyo at isa lamang sa pahayagan. Halos Php400,000 ang singil sa bawat minutong patalastas sa telebisyon.

Sa tantiya ng PAP, sina Prospero Pichay (gumastos ng Php162 milyon) at Manuel Villar (Php156 milyon) ang may pinakamalaking gastos para sa political ads habang sina Gregorio Honasan at Antonio Trillanes III ay gumastos lamang ng Php7 hanggang Php11 milyon. Iniulat ng PAP na hindi rin garantiya sa pagkapanalo sa halalan ang pagbuhos ng pera sa patalastas dahil anim lamang sa mga naitalang pinakamalaking gumastos sa political ads ang nahalal na senador.

Inihalimbawa din ng nasabing pag-aaral nina Ballester, et al., ng NEDA na ayon sa ilang Statement of Election Expenditures noong 2004, ang gastusin ng isang kandidato sa pagka-senador ay aabot sa Php94,730,976, kung saan Php17,122,922 ang gastos sa Election Paraphernalia, Php69,432,798 para sa Media, Php 3,037,876 para sa Meeting and Sorties, at Php5,137,380 para sa Administrative na mga pangangailangan.

Malinaw sa mga ulat ng PCIJ na mahigit sa daang-milyong piso ang ginagastos ng mga nangungunang kandidato para sa pagka-pangulo, pangalawang-pangulo at senador sa political ads pa lang. Hindi pa kasama sa nasabing kuwenta ang gastos para sa mga campaign paraphernalia, suweldo at pagkain ng mga empleyado at taga-suporta, kagamitan sa kampanya, transportasyon, at marami pang ibang gastusin.

Sinuportahan ng pagsusuring ito ang inilathala ng PAP noong 2008. Ayon sa PAP, ang malawakang paglabag sa campaign finance laws at kakulangan sa pagpapatupad ng mga ito ay nagreresulta sa labanan sa pagitan  ng kung sinu-sinong mga kandidato at partido ang mayroong kakayahang gumastos kaysa sa kung sinu-sino ang mas may magandang plataporma de gobyerno o kakayahang makapagsilbi sa bayan. Ang kalakaran sa pulitika tuwing halalan ay maihahalintulad sa pamumuhunan sa negosyo. Kaakibat nito ang pagkaka-kompromiso o paglalagay sa alanganin sa demokratikong proseso ng pagpili ng mga pinuno ng bansa, pagkontrol ng iilang may pansariling interes sa mga pinakamataas na katungkulan sa gobyerno, at maging ang korapsyon sa iba't-ibang antas.

Ayon sa pagsusuri ni Malou Mangahas ng PCIJ, hindi lubusang naipatutupad ang batas hinggil sa campaign finance, at madaling napapaikutan o nalulusutan ng mga kandidato ang nasabing batas.5

Ani Mangahas, itinatakda ng batas hinggil sa campaign finance kung hanggang magkano ang maaaring gastusin ng bawat kandidato at partido sa panahon ng kampanya, sinu-sino ang maaaring tumanggap ng mga donasyon, anu-ano ang maaaring pagkagastusan, at iba pang mga patakaran. Dapat daw ay hanggang Php10 kada botante lamang ang maaaring gastusin ng bawat kandidato sa pagka-pangulo, pangalawang-pangulo at senador. Dagdag pa rito ang Php5 kada botante na maaaring gastusin ng kanyang partido. Sa tantiya ng PCIJ, hanggang Php750 milyon lamang ang maaaring gastusin ng mga kandidato sa mga nasabing posisyon, kasama na rito ang kontribusyon ng kani-kanilang partido pulitikal, noong halalan 2010.

 Iniulat ng PCIJ na marami sa mga “Statements of Electoral Contributions and Expenses” (SECE) ay hindi kumpleto o kaduda-duda, matapos nitong tingnan ang mga SECE ng mga kandidato mula 1998 hanggang 2010. Ang pagsumite ng SECE ay sang-ayon sa Republic Act No. 7166 o Synchronized Elections Law.

Ngayong halalan 2013, may pagbabago na kaya?

Para sa halalan 2013 at sa mga susunod pang halalan, naglabas ang Comelec noong Enero ng resolusyong magpapatupad ng batas ukol sa paggastos sa pangangampanya. Inatasan ng Comelec ang Law Department nito bilang Campaign Finance Unit (CFU) na pangunahing magpapatupad ng Campaign Finance Laws at ng Fair Elections Act.

Ayon sa Comelec Resolution 9616, tutulungan sila ng Commission on Audit (COA), Bureau of Internal Revenue (BIR), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at iba pang ahensiya ng gobyerno sa masusing pagpapatupad ng campaign finance rules.6

Aktibong pagpapatupad ng batas ang isasagawa ng Comelec at ng mga nasabing ahensiya, hindi lamang ang nakagawiang pagsilip sa statement of contributions and expenditures (SOCE) ng mga kandidato. Hindi na rin nila kailangang maghintay pa ng mga reklamo ng paglabag dahil sila na mismo ang magbabantay, magsusuri at magpapatupad ng batas.7

Batay sa ulat ng VERA Files, pinahihintulutang gumastos ng Php3 kada botante ang mga kandidato, at idagdag pa dito ang Php5 kada botante na maaaring gastusin ng mga partido pulitikal. Ang mga kandidatong walang kinabibilangang partido naman ay pinahihintulutang gumastos ng Php5 kada botante, ayon sa Republic Act 7166. Sa tayang 52,002,730 bilang ng botante ngayong taon, hanggang Php156 milyon ang maaaring gastusin ng mga kandidato sa pagka-senador na may partido pulitikal, habang Php260 milyon ang maaaring gastusin ng mga independent na kandidato maging ng bawat partido pulitikal.   

Bagamat masasabing hindi lumalabag sa batas ang mga kandidato at partido dahil ang mga halagang naitatala sa mga SOCE na isinusumite sa Comelec ay hindi lumalagpas sa naaayong kuwenta, masasabing sukdulan at imoral pa rin ang paggastos ng napakalaking halaga tuwing kampanyahan at halalan. Kung iuukol sa mga batayang serbisyo tulad ng pagkain, edukasyon, pabahay at pangkalusugan, ang halimbawang Php15 bilyong gastos tuwing halalan ay maaaring maging mas kapaki-pakinabang sa sambayanan. Pagsusuri mula sa NEDA na rin ang nagsasabing napakaliit na ambag sa ekonomiya lamang ang dulot ng napakalaking gastusang nagaganap kada tatlong taon.

Para sa ordinaryong Pilipino, para sa kalakhan ng populasyon na nakararamdam ng kakapusan, kahirapan, pagkagutom at pagsasamantala sa araw-araw na pamumuhay, ang mga nasabing kalakaran sa pulitika at napakalaking pagkakagastusan ay sukdulan pa ring nakababahala.


Email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.


Notes:

1  Ballester, Richard Emerson, Bartolazo, Michael, Calumpang, Melanie, Ganapin, Bien & Namingit, Sheryll. (2010, October). A Study on the Impact of Election Spending on the Philippine Economy. National Economic Development Authority (NEDA).
Retrieved from
http://www.nscb.gov.ph/ncs/11thNCS/abstracts/invited/Measuring%20Economic%20Progress/
ABSTRACT_Ballester_Bartolazo_et_al_Impact%20Elections%20Spending.pdf


2  Cabacungan, Gil C. (2013, February 1). Political ad spending to hit P2B; GMA 7, ABS-CBN to get bulk. Philippine Daily Inquirer. Retrieved from http://newsinfo.inquirer.net/350615/political-ad-spending-to-hit-p2b-gma-7-abs-cbn-to-get-bulk

3  De los Reyes, Che. (2010, May 26). Nat’l bets splurge P4.3B, local bets P162M on ads. Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ). Retrieved from http://pcij.org/stories/nat%E2%80%99l-bets-splurge-p4-3b-local-bets-p162m-on-ads/.  

4  Pera't Pulitika (PAP). (2008, August 27). Developing Baseline Data on Campaign Spending in the Philippines (Pilot Test: 2007 National and Local Elections). Retrieved from http://www.tan.org.ph/index.php?option=com_content&view=category&layout=blog&id=47&Itemid=86

5  Mangahas, Malou. (2010, February 15). Poll expense reports of Erap, Arroyo, wanna-be presidents shot full of holes. Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ). Retrieved from http://pcij.org/stories/poll-expense-reports-of-erap-arroyo-wanna-be-presidents-shot-full-of-holes/

6  Crisostomo, Sheila. (2013, January 18). Comelec forms unit to scrutinize poll bets’ expenses. The Philippine Star. Retrieved from http://www.philstar.com/headlines/2013/01/18/898304/comelec-forms-unit-scrutinize-poll-bets-expenses

7  Flores, Mikha. (2013, January 17). Campaign finance rules tightened. VERA Files. Retrieved from http://verafiles.org/campaign-finance-rules-tightened/